Tumaob ang mga motor at maagang nagsara ang mga karinderya dahil sa limang araw nang pamemerhuwisyo ng mga alitangya o rice black bugs sa mga residente sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang pagdiretso sa palayan sa gilid ng kalsada ng sasakyan ni ni Ajay Bulandos, samantalang bumagsak din ang ilang motor dahil sa mga alitangya.
"Bigla na lang pong nag-slide 'yung likuran ng sasakyan, 'yung rear wheel niya, kaya pumalo na po kami roon. Noong tinry kong i-stop, doon na kami dinala sa may palayan. Pagkahinto namin, every five minutes may tumataob na mga motor," sabi ni Bulandos.
Mga insektong tila maliliit na salagubang ang mga alitangya na madalas lumilitaw sa gabi.
Sa isa pang video, makikita naman ang pagliliparan ng mga alitangya malapit sa mga ilaw o kung saan may liwanag.
Halos pagbahayan din ng mga alitangya ang isang ATM.
Ayon sa ibang residente, kakaiba ang amoy ng mga alitangya at masakit kumagat. Bukod dito, kumakapit din ang mga ito sa ulo at katawan.
Naapektuhan din ang kita ng ilang karinderya.
"9 p.m. talaga 'yung sarado namin. Dahil sa mga alitang ngayon, ang dami nila, kailangan kong ipasara agad mga bago lumubog 'yung araw. Kasi 'pag hindi ko ginawa 'yon matatakpan 'yung mga mesa namin ng alitang," sabi ni Nikko Arnado.
Sinunog ng mga residente ang mga alitangya.
Sinabi ng mga eksperto na galing sa lupa ang mga alitangya na lumalabas tuwing kabilugan ng buwan.
Ayon sa agriculturist na si Nick Angelo De Dios, crop protection coordinator sa Cabanatuan, ang mga alitangya ay peste ng mga palayan na madalas lumalabas ng Agosto kapag walang masyadong bagyo. Ngunit kung may bagyo, lumalabas sila ng Oktubre hanggang Disyembre.
Breeding season ngayon ng mga alitangya at nagkataon pang harvest season at full moon sa Cabanatuan kaya sila dumami. — Jamil Santos/VBL, GMA News