Nalunod ang isang taong gulang na paslit matapos itong mahulog sa baha sa isang bayan sa lalawigan ng Cotabato.
Sa ulat Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bayan ng Pikit.
Pahayag ng ina ng bata, pinasok ng baha ang kanilang bahay kaya umakyat sila sa bubong.
Doon na umano aksidenteng nahulog ang bata at tinangay ng baha.
Samantala, matindi rin ang baha sa bayan ng Pagalungan sa Maguindanao.
Nagmistulang lawa ang mga kalsada. Ilang residente ang gumamit na ng mga balsa.
May isang sanggol ding inilagay sa batya upang maisalba.
Malakas na pag-uulan sa Mindanao ang sanhi umano sa malawakang pagbaha sa mga lalawigan ng Cotabato at Maguindanao. —LBG, GMA News