Sugatan ang driver at isang pasahero ng SUV matapos itong masalpok ng delivery van sa Maharlika Highway, Barangay Viñas sa bayan ng Calauag, Quezon.
Nangyari ang aksidente bago mag ala una ng madaling araw Miyerkules. Ayon sa report ng Calauag Municipal Police Station, galing Bicol ang SUV at pabalik na sana sa Maynila.
Sinalubong daw ito ng delivery van na galing naman ng Maynila at patungong Bicol. Nasalpok ng trailer truck ang likod ng delivery van na sumalpok sa SUV.
Kwento ng driver ng delivery van, nawalan daw siya ng preno habang nag-oovertake sa isa pang sasakayan. Hindi na raw niya na-control ang manibela dahilan para masalpok ang kasalubong na SUV.
Wasak na wasak ang SUV sa tindi ng pagkasalpok dito. Nagdulot naman ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang aksidente.
Nagtulong-tulong ang mga Barangay Tanod, mga miyembro ng Bureau of Fire Protection at pulis sa rescue at clearing operation na umabot ng tatlong oras.
Ang dalawang sugatan ay isinugod sa pagamutan.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Calauag Municipal Police Station. -- BAP, GMA News