Inspirasyon ang hatid ng isang dating janitor sa isang elementary school sa Masbate na dahil sa pagsisikap ay naging principal din ng paaralan.
Ayon kay Christopher Alvarez, isang silent worker at mapagmahal na padre de pamilya ang kaniyang ama na si Efren Alvarez, ang dating school principal ng Badiang Elementary School sa Cataingan, Masbate.
"He is a silent father po, more on service. Maasikaso, thoughtful and supportive. Siya ang nagluluto every morning at nagpe-prepare ng baon namin kahit may trabaho na kami, nililinis niya din sasakyan namin bago kami umalis. He showed his love by serving us kahit sa bisita namin, very hospitable sya," ayon kay Christopher.
Bata pa lang daw ang kaniyang ama ay masipag na ito dahil nag-working student ito at naging janitor taong 1986 sa parehong paaralan kung saan siya naging principal.
Hindi na raw bago sa kanilang pamilya ang maglingkod dahil ang kaniyang ina at mga kapatid ay nagtuturo rin.
"Si Kuya po ay physics teacher sa secondary, ako naman po ay head teacher sa island school, si sister naman ay elementary teacher, at si Mama naman po ay DepEd supervisor," kuwento ni Christopher.
Sa kasamaang-palad, pumanaw si tatay Efren noong nakaraang Setyembre dahil sa komplikasyon sa COVID-19.
Nang pumanaw ang kaniyang ama, doon nalaman ni Christopher na nakalagay sa Service Record ang dating trabaho ni tatay Efren bilang janitor, utility worker, at nating guro ng paaralan bago naging punong-guro.
"After his death ko lang po nalaman na nasa Service Record ang pag-janitor niya, so na-post ko po to inspire others," dagdag niya.
Hangad ni Christopher na maging inspirasyon ang kaniyang ama para sa iba na may pangarap na nais abutin.
"Pag-igihan po ang binigay sa atin na trabaho, gaano man kababa o kahirap, habang pinagsusumikapang maabot ang pangarap," ayon kay Christopher.
--FRJ, GMA News