Nauwi sa trahedya ang panghuhuli ng dagang-bukid ng isang pitong-taong-gulang na lalaki nang maatrasan siya ng harvester at masawi sa Ramos, Tarlac.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Prudencio Mangaoag Jr., residente ng Barangay Panse.
May kasamang ibang bata ang biktima sa panghuhuli ng dagang-bukid nang mangyari ang trahediya.
Ayon sa pulisya, lumitaw na sinusundan ng mga bata ang traktorang harvester dahil naglalabasan ang mga daga kapag nadadaanan nito ang mga pananim.
"Nalaman ko doon sa mga kalaro niya na naatrasan ng harvester [ang anak ko]. Ang dami-dami nila sabi ko bakit hindi nila tinitingnan sabi ko. Nasa gilid na sabi nila bakit naatrasan pa," hinanakita ni Luisita, ina ng biktima.
Sinabi umano ng operator ng harvester sa pulisya na hindi niya alam na nasa likuran niya ang mga bata kaya nasagasaan niya ang biktima nang umatras siya.
Ikinuwento rin umano ng operator na naiyak siya at hindi kaagad nakagalaw nang malaman na nakaaksidente siya at makapatay.
Hindi na raw nagsampa ng kaso ang pamilya ng bata na mga magsasaka ang mga magulang.
Nangako raw ang operator ng harvester na magbibigay ng tulong pinansiyal. --FRJ, GMA News