Sinibak na sa puwesto ang isang mataas na opisyal ng Land Transportation Office-Region 6 matapos siyang akusahan ng hindi pagrespeto sa mga traffic enforcer sa Iloilo City na sumita sa kaniya dahil sa paglabag sa batas-trapiko. Ang opisyal, itinanggi naman ang paratang laban sa kaniya.
Sa ulat ni Zen Quilantang sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang kontrobersiyal na opisyal na si Engineer Arturo Apolinar, Assistant to the Regional Director, LTO-Region 6, ang ikatlong pinakamataas na opisyal ng naturang tanggapan.
Ayon sa mga traffic enforcer, sinita nila si Apolinar dahil sa pag-beating the red light sa L98 St. sa distrito ng Jaro sa Iloilo City.
Pero nagtuloy-tuloy lang daw ito at kinailangan pa nilang habulin. Nang abutan, pinasunod daw sila sa tanggapan nito.
Hindi raw iyon ang unang pagkakataon na nag-beating the red light ang opisyal at hindi raw nabibigyan ng tiket.
Ang naturang mga insidente ay pagpapakita umano ng kawalan ng respeto ng opisyal sa mga traffic enforcer.
Ngunit nanindigan si Apolinar na wala siyang nilalabag na batas-trapiko dahil alam niya ang batas.
Ayon sa opisyal, napansin niya na ilang beses nang may hinuhuli ang mga enforcer na mga motorista kahit mayroon pang tatlong segundo na natitira sa traffic signal bago tumigil.
"Nataon lang na ako ang kanilang na apprehend. Alam ko ang batas," saad ni Apolinar. "Alam ko ang rules ang regulations na ang three (seconds) na green light hindi pa yang violation, that is a warning na kailangan pag-yellow ka na, stop ka na."
Kinondena ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas, ang naging asal ni Apolinar kaya ipinarating niya sa tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) --na nakasasakop sa LTO--ang ginawa ng opisyal.
Kaagad naman inaksyunan ng DOTr ang reklamo ni Treñas, at nagpalabas ng kautusan si LTO chief Gen. Edgar Galvante (Ret), na alisin sa puwesto si Apolinar.
Kinumpirma naman ni Atty. Gaudioso Geduspan, assistant regional director, LTO-VI, ang pag-alis kay Apolinar sa puwesto.--FRJ, GMA News