Maagang ginunita ng ilang pamilya ang Undas bago ang pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo simula Biyernes, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa Tacurong City, Sultan Kudarat, maagang nagbendisyon ng mga puntod ang isang pari kasama ang mga pamilya ng mga yumao.
Babasbasan muli ang mga puntod sa November 1 ngunit mga pari at kawani na lamang ng simbahan ang maaaring pumasok sa mga sementeryo.
Dumarami na rin ang bumibisita sa mga sementeryo sa Bulakan, Bulacan upang maglinis ng puntod at magtirik ng mga kandila bago ang pagsasara.
Sa La Trinidad, Benguet, naka-schedule ang pagbisita ng mga residente na kada barangay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Matumal naman ang bentahan ng bulaklak sa La Trinidad at Tagbilaran, Bohol dahil sa pagpapatupad ng COVID-19 restrictions.
Nauna nang inanunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagsasara ng mga sementeryo sa bansa mula October 29 hanggang November 2 para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA News