Patay ang isang 25-anyos na babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang kinakasama sa Cabugao, Ilocos Sur. Ang biktima, nakatakbo pa pero hinabol pa rin ng salarin.

Sa ulat ni Ivy Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Rowena Ramos, isang caregiver.

Naaresto naman ang suspek na si Fredelito Layugan, ng Barangay Pug-os, at nakuha sa kaniya ang patalim na ginamit sa krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpunta si Ramos sa bahay ng kaniyang pinagtatrabahunan bilang caregiver noong umaga ng Lunes.

Sumunod naman si Layugan at doon na sila nagkaroon ng mainitang pagtatalo dahil pilit daw na pinauuwi ng suspek ang biktima.

Nagtatakbo na si Ramos pero hinabol siya ni Layugan at inundayan ng mga saksak.

Isinugod sa pagamutan ang biktima pero hindi na siya umabot ng buhay.

Ayon sa ina ng biktima, madalas na walang trabaho si Layugan at napakababaw ng dahilan nito para patayin ang kaniyang anak.

"Wala naman siyang trabaho pero ang idinadahilan niya hindi man lang daw siya maipaglaba. Mababaw na rason yan para patayin mo ang asawa mo kako," ayon kay Eliza Ramos.

Hinala ng pulisya, posibleng may iba pang dahilan ang suspek kaya ginawa ang krimen tulad ng selos. --FRJ, GMA News