Nagka-brownout ang isang barangay matapos lumambitin ang isang ahas sa kable ng kuryente sa Pigcawayan, Cotabato.
Inilahad ng Cotabato Electric Cooperative Inc. (COTELCO) na nakita ng mga taga Barangay Kimarayag na gumapang ang ahas papunta sa high voltage lane, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Ilang saglit pa, nagkaroon ng spark, na nagresulta ng brownout sa lugar.
Bumalik na ang kuryente, pero namatay ang ahas.
Sa Laoag City, Ilocos Norte naman, napatay ang isang cobra na pumasok sa isang bahay.
Ayon sa may-ari ng bahay, nakabukas ang kanilang bintana habang nag-o-online class ang kaniyang anak.
Maya-maya pa, lumitaw umano ang ulo ng cobra sa bintana at bigla itong nahulog.
Lumaban umano ang ahas kaya napatay ito ng mga residente.
Ayon sa kanila, madalas na may mga nakikitang ahas sa kanilang lugar. — Jamil Santos/VBL, GMA News