Sinampahan ng reklamong panghahalay ng isang 26-anyos na babae ang isang pulis sa Pampanga. Ang suspek, naunang sinita ang biktima dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo nang walang dalang lisensiya.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Police Staff Sergeant Robin Mangaga, na nagmamando raw sa isang checkpoint sa Mabalacat, Pampanga noong Oktubre 8.
Kuwento ng biktima na itinago sa pangalang "Olivia," papasok siya sa trabaho dakong 3:00 am nang sitahin siya ni Mangaga sa checkpoint.
Hiningan daw ng pulis ng lisensiya si Olivia pero walang naipakita ang biktima, bagay na aminado siya sa kaniyang pagkakamali.
Hindi naman daw siya tiniketan ni Mangaga pero i-impound nito ang kaniyang motorsiklo.
Dahil sa kagustuhan na makuha ang motorsiklo at makapasok na ng trabaho, nag-alok daw siya ng P500 sa pulis pero sinabihan siya na panunuhol ang kaniyang ginagawa.
Patuloy daw na nakiusap si Olivia at sinabi niyang handa siiyang lumuhod para magmakaawa upang makuha ang motosiklo.
Dito na raw nagsimulang maging bastos si Manganga, ayon kay Olivia.
Sunod nito ay pumasok daw ang pulis sa sasakyan at sinabihan siyang sumakay kung nais pa rin niyang makiusap.
Dinala umano ng pulis si Olivia sa motel at doon na nangyari ang panghahalay.
Matapos ang insidente, ibinalik na raw ng pulis ang kaniyang motorsiklo.
Nagsampa ng reklamong rape si Olivia sa korte laban kay Manganga. Bukod pa rito, nagsampa rin siya ng reklamong administratibo laban sa pulis sa Internal Affairs Office sa Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay Police Colonel Marcial Paclibon, chief ng Intelligence and Investigation Division-IAS, kung mapapatunayan ay may grave abuse of authority na nagawa si Mangaga at mayroong elemento ng pagbabanta at panggigipit sa biktima.
Maaari din daw magamit laban kay Mangaga kung totoo na nagpadala pa ito ng text messages sa biktima nang malaman ang ginawang pagsasampa ng reklamo.
Napag-alaman naman na sumuko na sa kaniyang mga kabaro ang inirereklamong pulis pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News