Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang kasambahay na tumangay umano ng perang higit P300,000 ng kaniyang matandang amo sa Urdaneta City, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, nakita sa CCTV camera sa loob ng bahay sa Barangay Nancayasan, ang suspek na kasambahay na pumasok sa kuwarto ng kaniyang 98-anyos na amo.
Nang lumabas ang kasambahay, may bitbit na siyang envelop na naglalaman daw ng perang dolyar at peso.
Inilagay niya ang envelop sa likod ng upuan kung saan nakalagay pala ang isang bag.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita na ang kasambahay na nagpalit ng damit, kinuha ang bag na nasa likod ng upuan, at umalis.
Ayon sa pulisya, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na mayroong apat na address ang suspek.
Desidido naman ang mga kaanak ng biktima na kasuhan ang kasambahay.
Nagtaka raw sila dahil makalipas ng dalawang buwan na pamamasukan nito ay alam na ng kasambahay ang tungkol sa pera ng kaniyang matandang amo.
Pinayuhan naman ng pulisya ang publiko na maging maingat sa pagkuha ng mga kasambahay, magsagawa ng record check, at pakuhanin ng [police at NBI) clearance para matiyak na malinis ang record nito.--FRJ, GMA News