Natagpuan ng mga awtoridad sa isang mababaw na hukay sa Cavite ang bangkay ng isang lalaking halos dalawang linggo na umanong nawawala.
Itinuro ng isang nakasaksi sa krimen ang lugar kung saan inilibing ang biktimang kinilalang si Ricky Boy Colarte, na biglang nawala noong September 23.
Iniulat sa Unang Balita ni Corinne Catibayan nitong Biyernes na umabot din umano ng halos dalawang linggo ang paghahanap kay Colarte, isang 20-anyos na construction worker.
Kamakailan, isang nagpakilalang saksi ang lumapit sa pamilya ng biktima. Itinuro niya ang lugar kung saan umano pinatay at inilibing si Colarte, at sinabing ang pumatay sa kanya ay si Ruel Tamboon, alyas ''Bostoy.''
Noong October 7, Huwebes, pinuntahan ng mga pulis ang lugar kung saan pinatay si Colarte sa Barangay 57, Carilag, Cavite. Doon, natagpuan nila ang bangkay ng biktima.
Napag-alamang si Tamboon ay target din ng anti-drug operation ng Cavite City Police, at naaresto na ito. —LBG, GMA News