Labanan ng magkakapamilya ang darating na Eleksyon 2022 sa Ilocos Sur. Sa posisyon ng bise gobernador, makakatapat ni Luis "Chavit" Singson ang anak niyang si Ryan Luis.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing naghain na ng kani-kanilang certificate of candidacy (COS) sina Ryan, misis niyang si Patch Savellano-Singson, at biyenan na si Representative Deogracias Victor "DV" Savellano.
Ang asawa ni Ryan na si Patch ang tatakbong gobernador ng lalawigan sa halalan.
Kasalukuyang gobernador ng Ilocos Sur si Ryan na nasa ikatlo at huli na niyang termino.
Pero sa darating na halalan, ang posisyon naman ng bise gobernador ang kaniyang aasintahin.
Ang biyenan na si Ryan na si incumbent 1st District Representative DV Savellano, ay muling kakandidato sa nabanggit na posisyon.
Makakatapat ni DV sa pagka-kongresista ang isa pang anak ni Chavit na si Ronald.
"Sa tingin ko naman marami kaming nagawa, marami pa kaming gagawin, para sila naman ang mag-evaluate kung karapat-dapat tayo sa puwestong inaasam natin," ayon kay DV.
Ang kapatid naman ni Chavit na si Jerry ang makakalaban ni Patch sa posisyong ng gobernador.
Kasalukuyang bise gobernador ng lalawigan si Jerry, na siyang tatakbuhan ni Chavit, kung saan makakaharap niya ang anak na si Ryan.
"Kailangan ama ang masusunod, hindi yung anak ang masusunod. Parang may sungay na yung anak ko. So wala siya magawa," ani Chavit.
Hindi na nagpaunlak ng panayam si Ryan. --FRJ, GMA News