Bibili lang sana ng milktea sa isang shop sa Kidapawan City ang isang ginang kasama ang kaniyang baby na siyam na buwang gulang nang mangyari ang hindi niya inaasahan.
Sa video ng GMA News Feed, sinabi ng ginang na hindi niya kaagad napansin na nakuha pala ng kaniyang baby ang isang push pin sa shop at isinubo ito ng anak.
Tinangka pa niyang kunin ang push pin sa bibig ng anak pero huli na at tuluyang na itong nalunok ng bata.
Sa kabila ng insidente, masigla naman daw ang baby pero napansin nilang "bloated" o lumaki ang tiyan ng bata.
Kaya ipina-X-ray nila ang sanggol at doon nakita ang push pin sa bituka ng baby.
Ayon sa doktor, kung hindi pa mailalabas ng sanggol sa natural na paraan ang push pin sa loob ng ilang araw, kailangan nang operahan ang bata.
Dahil sa kakapusan sa pinansiyal, nanawagan ng tulong ang pamilya ng baby para sa tinatayang P50,000 hanggang P100,000 na magagastos sa pagpapagamot at operasyon ng bata.
Sa nais magpaabot ng tulong, maaaring makipagugnayan lamang sa numerong 0967-001-5574.
--FRJ, GMA News