Inaresto ang isang 74-anyos na lolo na apat na taong nagtago sa Cavite matapos siyang ireklamo ng panghahalay umano sa kaniyang menor de edad na kaanak. Ang mga pulis, nagpanggap na magbibigay ng "ayuda."
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video ng CIDG-Detection and Special Operations Division (DSOD) ang pagpunta ng kanilang mga tauhan sa isang lugar sa Bacoor at nagpanggap na mamimigay ng ayuda para matunton ang suspek na may warrant of arrest.
Nang makita na nila ang suspek, malumanay silang nagpakilala bilang mga tauhan ng CIDG at inilahad ang pakay ng kanilang pagpunta sa lugar.
Dinakip nila ang suspek, na nahaharap sa kasong rape at acts of lasciviousness na ginawa niya sa kaniyang kaanak sa Batanes.
"For years in the making na ang standing warrant of arrest niya. Ang nai-serve natin kahapon ay 'yung case on rape. This morning nagkaroon po kami ng verification kung meron pang other standing warrant of arrest sa ating nahuli kahapon at meron nga po," sabi ni Police Colonel Redentor Ulsano, hepe ng CIDG-DSOD.
Sinabi ng CIDG na nangyari ang kaso sa Batanes noong 2017 hanggang sa lumipat na ang suspek sa Cavite at doon na nanirahan.
Ayon kay Ulsano, desisyon na ng korte kung bibigyan ng mas mababang taon ng pananatili sa bilangguan ang suspek dahil sa kaniyang edad, pero kahaharapin pa rin niya ang kaniyang kaso.
Tumanggi ang suspek na magbigay ng kaniyang pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA News