Viral ngayon sa social media ang Facebook post ni Jeff Avila ng Tayabas City, Quezon na naglalahad ng labis na pagdadalamhati sa sinapit ng minamahal na asawa na si Alysa Mariz.

Nasawi si Alysa noong September 24, 2021 matapos ang ilang araw na pakikipag-laban nito sa kamatayan.

Nangyari ang pagsabog umaga noong September 10, 2021, dahil sa sumingaw na LPG tank sa inuupahang apartment ng mag-asawa sa Casimiro Town Homes, Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City.

Courtesy: Yvette Leonardo
Photo courtesy: Yvette Leonardo

 

Wasak at halos gumuho ang bahay ng mag-asawa. Sugatan silang nakalabas ng bahay sa tulong ng mga residente sa lugar.

Hindi na nagpaunlak ng on-cam interview si Jeff dahil sa sobrang kalungkutan.

Ayon sa kanyang kwento bihira naman daw nila gamitin ang lutuan. Maaga daw silang gumising ng oras na iyon upang pumasok sa trabaho. Posibleng kinagat daw ng daga ang hose ng LPG tank dahilan para sumingaw ito.

Pagsindi daw nila ng lutuan ay doon na nagkaroon ng malakas na pagsabog.

Nagtamo ang mag-asawa ng matinding paso sa katawan. Halos mawala ang saplot sa katawan ni Alysa sa tindi ng pagsabog.

Kwento ni Jeff sa kanyang Facebook, March 24 ang birthday ni Alysa, at July 24, 2021 sila ikinasal at September 24 naman ito namaalam. Hindi makakalimutan ni Jeff ang petsang ito. Ipinadama ni Jeff ang pagmamahal sa kanyang may-bahay.


Umabot umano sa 14 na araw na nakipag laban si Alysa sa para kanyang buhay. 

Ayon sa kumuha ng larawan ng bahay na si Yvette Leonardo, nasa harap lang ng bahay nila ang apartment ng mag-asawa.

Dakong 6:00 ng umaga raw ng makarinig sila ng napakalakas na pagsabog at pagyanig. Sa lakas ng pagsabog ay nabasag din ang kanilang bintana at salamin ng kotse. Basag din ang bintana ng kanilang mga kapitbahay. Nagkalat ng debris sa paligid.

Ang bubong ng bahay ng biktima ay umangat at gumuho ang ilang bahagi. —LBG, GMA News