Pinabulaanan ng isang hospital sa General Santos City ang nag-viral na online post na pinagsusuot umano ng diapers habang naka-duty ang kanilang nurses upang makatipid sa personal protective equipment (PPE).
Sa ulat ng GMA Regional TV News "One Mindanao," sinabi ni Dr. Ryan aplicador, chief of hospital ng Dr. Jorge P. Royeca Hospital, nadinig niya noon ang tungkol sa diapers umano ng mga nurse pero biro lang iyon.
"Nadinig ko 'yon dati na parang joke yun; na nag-diaper sila kasi nga kapag naiihi sila ayaw na nilang lumabas. But it was not an instruction na mag-diaper kayo para makatipid sa PPE," paliwanag niya.
Sinabi rin ni Aplicador na kabilang sa kanilang patakaran sa ospital ay dapat magpalit ng PPE ang mga nurse tuwing ika-apat o ika-anim na oras. Kasabay na rin ito ng kanilang pahinga. --FRJ, GMA News