Isa na namang abogado ang nasawi matapos siyang barilin ng mga nakatakas na salarin sa Surallah, South Cotabato nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Atty. Juan Macababbad, residente ng Barangay Libertad, Surallah.
Ayon sa inilabas na pahayag ng National of Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), miyembro nila si Macababbad, na nagsisilbing vice chair ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao (UPLM).
Batay sa ilang kapitbahay, sinabing magsasara na sana ng gate ng kaniyang bahay ang biktima dakong 5:30 pm, nang tumigil sa tapat ang dalawang motorsiklo na kulay itim at pinaputukan ang abogado.
Kaagad ding tumakas ang nasa tatlong salarin na nakasuot umano ng mask at bonnet.
Isinugod naman sa ospital ang biktima ngunit binawian din siya ng buhay.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen.
Kinondena naman ng NUPL ang pinakabagong karahasan sa mga abogado. Anila, si Macababbad ang ika-58 abogado na pinaslang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, at ikatlo sa kanilang miyembro.
"While the case may go through the usual investigation, as with the other growing number of unresolved cases, it is clear that the murder of Atty. Macababbad is connected to his vocation of lawyering for the people. Atty. Macababbad has been receiving death threats before his murder," ayon sa pahayag.
Nito lang nakaraang buwan ng Agosto, tinambangan at napatay sa Cebu City ang human rights lawyer na si Atty. Rex Fernandez. --Merlyn Manos/FRJ, GMA News