Nasawi ang isang 15-anyos na dalagita at isang apapt-na-taong gulang na batang babae matapos ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Barangay Manggagawa, Guinayangan, Quezon.
Batay report ng Bureau of Fire Protection (BFP) Guinayangan, nangyari ang sunog pasado 1:00 ng madaling araw nitong Biyernes.
Umabot sa 39 na mga bahay ang nasunog, at hindi naman bababa sa 50 pamilya ang apektado.
Itinaas sa ika-2 alarma ang sunog at kinailangan ang tulong ng pamatay ng sunog ng karatig bayan.
Kinilala ang nasawi na sina Melissa Joy Dela Cruz, 4-anyos, at Michaela Avellanosa, 15-anyos.
Ayon sa mga magulang ni Melissa, iniwan nila sa bahay si Melissa at Michaela upang kumuha ng isda sa bayan ng Calauag.
Araw-araw daw nila itong ginagawa dahil ito ang kanilang hanapbuhay. Hindi umano nila akalaing mangyayari ito. Si Melissa ay anak ni Imelda Dela Cruz.
Naabutan pa ng GMA News na kinukuha ang labi ng
dalawang bata. Halos maabo na ang mga ito. Nakuha itong magkayakap sa loob kwarto kung saan sila natutulog.
Ayon naman sa ina ni Michaela, sinubukan niyang iligtas ang dalawang bata subalit mabilis na kumalat ang apoy. Nasugat pa ang braso ni Nanay Marissa matapos mapaso.
Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang dahilan ng sunog.
Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, sa bahay kung saan nasawi ang dalawang bata nagsimula ang sunog. Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa lakas ng hangin.
Aabot naman umano sa P800,000 ang halaga ng napinsala.
Nananawagan ng tulong ang mga residenteng nasunugan na ang iba sa kanila ay nakikituloy sa kapit bahay, at ang iba ay sa barangay hall at ang iba naman ay nasa bangka.
Nagpaabot naman ng tulong si Guinayangan Mayor Cesar Isaac at ang tanggapan ni Representative Angelina Tan ng Quezon province. —LBG, GMA News