Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang tatlo katao na mahuli-cam sa pagnanakaw ng mga halaman na hindi bababa sa P10,000 na halaga sa Guiguinto, Bulacan. Kabilang sa mga tinangay ang giant Melaloni, Wave Of Love, at Sensation.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV na tila mga mamumulot lang ng basura ang mga suspek nang pasukin nila ang bakanteng lote na ginawang showroom ng mga halaman.
Pero maya-maya pa, naglabas na sila ng mga sako at doon inilagay ang mga halaman na binunot sa mga paso.
Labis ang sama ng loob ng may-ari na si Estelito dela Cruz, isang landscape and garden contractor, sa ginawa sa kaniyang mga halalam.
"Ang tagal mong pinalalaki, ang tagal mong pinaghirapan, tapos gaganu'nin lang, nanakawin lang ng gano'n. Mabigat talaga sa aking loob," sabi ni Dela Cruz.
Kabilang sa mga tinangay ng mga suspek ang giant Melaloni, Wave Of Love, Sensation at Moonlight.
"Professional silang tumingin ng halaman, kasi nga nakuha 'yung mamahalin. Hindi nila ginagalaw 'yung mumurahin lang, hindi nila kinukuha 'yon. Alam nila kung ano 'yung mamahaling halaman," ani Dela Cruz.
Ayon kay Kapitan Manny Joson ng Sta. Cruz, Guiguinto Bulacan, umusbong ang nakawan sa kanilang lugar nang maging garden capital ng Bulacan ang kanilang lugar at dayuhin ng mga plantito at plantita.
Ipinangako naman ng barangay at pulisya na paiigtingin pa nila ang pagbabatay laban sa mga kriminal.--Jamil Santos/FRJ, GMA News