Itinatapon na lamang umano ng mga mangingisda sa Bulan, Sorsogon ang kanilang mga nahuling isdang tamban dahil sa bagsak na ang presyo nito sanhi ng oversupply.
Iniulat sa "Unang Balita" nitong Huwebes na ayon sa mga mangingisda, bagsak ang presyo ng tamban sa dami ng kanilang nahuhuli.
Kung dati ay nasa P700 ang presyo ng kada palanggana, nasa P130 hanggang P200 na lamang umano ito sa ngayon.
Ayon sa mga mangignisda, hirap na umano silang mabawi ang kanilang puhunan.
Dagdag pa, kulang ang supply ng yelo sa fish port na maaaring magamit para sa pag-iimbak ng isda.
Nakikiusap umano sila sa lokal na pamahalaan na tumulong sa paghahanap ng mapag-imbakan ng kanilang isda, o di kaya'y dahin ang mga ito sa mga lugar na nangangailangan ng pagkain. —LBG, GMA News