Nasagip ang anim na magkakaanak sa Quezon province matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa Lamon Bay sa bahagi ng Alabat Island at bayan ng Atimonan.
Mabuti na lamang umanong nadaanan ng isang pampasaherong bangka mula sa bayan ng Perez at patungo sa bayan ng Atimonan ang magkakaanak na nakakapit sa lumubog na bangka.
Agad na binalikan ng crew at pasahero ng Isafer Wonder at isa-isang sinagip ang mga lulan ng lumubog na bangka, kabilang na ang 2-anyos na bata at isang senior citizen.
Ayon sa mga sakay ng lumubog na bangka, 3:00 ng madaling araw pa lumubog ang kanilang bangka matapos hampasin ng naglalakihang alon.
Galing sa bayan ng Mauban ang magkakaanak at patungo sana sa bayan ng Alabat.
Halos hindi na makagalaw ang magkakaanak dahil sa matinding lamig.
Dinala na ang mga biktima sa bayan ng Atimonan, Quezon. Nakikipag ugnayan na ang may ari ng Isafer Wonder sa pamilya ng mga nasagip.
Walang natirang gamit sa mga ito matapos malubog sa dagat.
Nasa maayos na kondisyon na ang mga biktima. —LBG, GMA News