Nahuli-cam ang isang babae na nagpanggap na mamimili pero kita pala ng tindahan ang pakay sa isang palengke sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," makikita sa kuha ng CCTV ang isang babae na kunwaring namimili ng paninda.
Maya-maya lang, sinikwat na niya ang isang plastik na may pera sa lalagyan ng kita at isiningit muna sa ilang paninda para hindi mapansin.
Nang makakuha ng tiyempo, kinuha na niya ang plastik, itinago sa kamay at saka umalis.
Ayon sa may-ari ng tindahan na si Kent Caramat, aabot sa P10.000 ang nakuha ng kawatan.
"Sobrang dami ng tao kaya hindi na namin napansin," sabi ni Caramat na tig-P500 umano ang laman ng plastik na natangay.
Iniimbetigahan na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng babae para maaresto.--FRJ, GMA News