Namilipit sa sakit ang isang rider matapos siyang bumangga sa bumukas na pinto ng isang SUV na may dalang mga ayudang pagkain para sa mga nagbabantay sa checkpoint sa boundary ng Marikina-Cainta.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita", kinilala ang rider na si Bonifacio Manatiga, na tumumba sa mismong boundary ng Rizal at Metro Manila nitong Martes ng madaling araw.

Kalalagpas lang ni Manatiga sa checkpoint nang biglang magbukas ng pinto ng isang SUV na huminto para ibaba sana ang ayudang midnight snack para sa mga pulis sa checkpoint.

"Biglang bumukas sir ang pinto. Balikat lang sir ang talagang masakit," sabi ni Manatiga, na nanggaling sa Cainta.

"Pumarada na po kami, i-o-open na po namin ito (pinto), bigla po kasing may mabilis na dumating. Magbibigay po sana kami ng mga tubig, sopas, sandwich sa frontliners," sabi ng nagbibigay ng ayuda na si Kyle Chan.

Dahil may mga rumorondang awtoridad sa lugar, mabilis na nabigyan ng pang-unang lunas ang biktima.

Iniinda ng rider ang sakit dahil matapos tumama ng kaniyang kanang braso sa kotse, sinalo ng kaliwang balikat niya ang puwersa ng pagbagsak.

Hinala ng ilang first responder, posibleng may nabali sa biktima kaya hindi niya maigalaw ang kaliwang balikat.

Agad inilagay sa stretcher si Manatiga saka dinala sa pinakamalapit na ospital.

Handa ang grupo ng mga volunteer na sagutin ang pagpapaospital ng biktima.  Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Traffic Department ng PNP Marikina ang insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News