Sa kulungan ang bagsak ng isang senior citizen dahil sa pagsasangla umano ng mga pekeng titulo ng lupa sa kaniyang mga nabiktima sa Cavite. Ang isa niyang biktima, isa ring lola na ang natangay na pera ay ng inipon nito sa loob ng 10 taon.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood ang isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection at pag-aresto kay Lolita Avila, 66-anyos.
Itinuturo si Avila ng pulisya bilang mastermind umano ng "sangla-tira" modus kung saan nagpapanggap siyang broker na naghahanap ng mapagsasanglaan ng titulo ng residential property sa mababang halaga.
"Isasangla po nito ang isang property na hindi po kanila, pero lahat po ng dokumento na ipapakita sa buyers at would-be-victims natin ay lahat po ay napeke," sabi ni Police Lieutenant Colonel Benedick Poblete, Provincial Officer ng PNP-CIDG Cavite.
"Noong nakapagbigay po sila ng pera, bigla na pong nawala itong suspek natin at naisanla po sa napakarami pong tao," dagdag ni Poblete.
Dito na nagdagsaan ang mga nagrereklamo laban sa suspek at inaasahan ng mga awtoridad na madadagdagan pa ito kapag naisapubliko na ang kaso.
Ayon kay Poblete, "unschooled" ang karamihan sa mga biktima ng suspek, tulad ng mga taga-tahi, mangangalakal, house wife at karpintero.
Isa sa mga nabiktima si Violeta Limroa, 62-anyos, na pamumulot ng kalakal ang ikinabubuhay nilang mag-asawa.
Ibinigay daw nila sa suspek ang naipon nilang P80,000 sa loob ng 10 taon kapalit ng pangako na magkakabahay sila.
"Bulag po 'yung asawa kong nangangalakal, may tatlo akong apong abandoned, may kasama akong anak na panganay na may sakit sa puso kaya ko gustong kumuha ng bahay. Niloko niya ako, binigay ko sa kaniya 'yung P80,000," sabi ni Limroa, na bulag daw ang asawa.
"Sabi ko gusto kong matulog ang mga apo ko sa bahay, hindi sa karton. 'Yun pala scammer siya," dagdag ni Limroa.
Wala raw balak tanggapin ni Limroa ang pagpapaumanhin ng suspek.
"Hindi na po, marami pa siyang lolokohing tao. Hindi ko man ho makuha 'yung pera ko, basta makulong lang siya," sabi ni Limroa.
Ipinakita ng CIDG ang mga ebidensiya gaya ng dinuktor na papeles mula sa National Housing Authority at iba pa.
Estafa at iba pang uri ng swindling ang mga isasampa sa suspek na nagsisisi sa kaniyang nagawa.
"Alam ko pong may kamalian po ako pero ang akin lang sir, hindi ko naman po tinatalikuran 'yung mga obligasyon ko sa kanila, willing naman po akong magbalik doon sa mga naatraso ko. Hindi ko nga lang din mapagsabay-sabay," anang suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News