Nasa 30 pasyente na hinihinalang tinamaan ng COVID-19 ang nakapila sa kanilang sasakyan habang naghihintay na may mabakante at ma-admit sa isang pribadong ospital sa Cebu City. Ang mga pasyente, sa sasakyan na kinabitan ng oxygen tank.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing noong Biyernes pa nagsimulang dumami ang mga nakapilang pasyente dahil puno na ang kapasidad para sa mga may COVID-19.
"Thirty-three patients waiting makapasok dito sa loob ng hospital na ito. They are all suspected COVID patients," ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak.
Inaasikaso naman daw ang mga pasyente na ayaw nang magbakasakali sa ibang ospital.
"'Di na sila gusto na paulit-ulit na magpaikot-ikot, so dito na lang sa ospital na ito at saka tinitingnan naman sila ng nurses at doktor," dagdag ng konsehal.
Naglagay na rin ang lokal na pamahalaan ng mga tent para sa mga pasyenteng nasa sasakyan.
Handa ring bigyan ng gasolina ang mga pasyente sakaling kailanganin sa sasakyan.
Ayon kay Tumulak, punuan na ang mga ospital sa lungsod at maging sa iba pang munisipyp mula noong linggo.
Kaya naman hinikayat niya ang mga tao na sundin ang health protocols para hindi na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Nakapailalim ang Cebu sa general community quarantine with heightened restrictions hanggang sa Agosto 15. —FRJ, GMA News