Sa kulungan ang bagsak ng isang pastor na nahaharap sa kasong paulit-ulit na panghahalay umano ang isang menor de edad na miyembro ng kanilang kongregasyon sa Oriental Mindoro.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing inaresto ng mga operatiba ng Zambales Philippine National Police (PNP) ang suspek na si Richard Elmin sa loob mismo ng "simbahan" sa Botolan, Zambales.
Isang pastor at church leader ng kongregasyon si Elmin, na dinakip sa bisa ng warrant of arrest.
Paulit-ulit umanong ginahasa ng suspek ang biktima sa magkakahiwalay na pagkakataon.
Taong 2014 nangyari ang panghahalay umano ng suspek, ayon sa Zambales PNP, at sinampahan siya ng mga magulang ng biktima ng kaso nang taon ding iyon.
Pero nang maisampa ang kaso, nagtago na ang suspek hanggang sa matunton ng mga awtoridad sa Zambales.
"After na malaman niya na siya ay na-file-an na ng kaso, ang suspek natin ay nagtago na at ito ay pumunta rito sa Zambales kaya hindi siya nakita agad," ayon kay Colonel Roman Cardiño, PD-Zambales PNP.
Isinagawa na ang pag-turn over sa Oriental Mindoro PNP ng suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.
Nahaharap si Elmin sa limang count ng rape kaugnay ng R.A. 7610.--Jamil Santos/FRJ, GMA News