Namatay matapos matuklaw ng cobra ang 62-anyos na lalaki sa Mangaldan, Pangasinan na binansagang "Boy Ahas" dahil sa husay niya sa paghuli ng ahas.
Sa ulat ni Kim Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Bernardo Alvarez, ng Barangay Lanas.
Si Alvarez umano ang takbuhan ng mga residente kapag may nakikitang ahas sa kanilang lugar. Ito ay dahil sa husay niyang manghuli at magpaamo ng ahas na tila hindi na siya tinatablan ng kamandag.
Pero noong Biyernes, pumanaw si Alvarez matapos siyang matuklaw sa dila ng nahuli niyang cobra.
Sa video, makikita na sinubukan pa siyang i-revive ng mga sumaklolo pero naging mabilis ang pagkalat ng kamandag sa kaniyang katawan.
"Ang kaniyang venom [ahas] ay nagko-cause ng mga paralysis sa ating katawan. Maaaring mag-cause itong paralysis na ito ang paghina ng paghinga, maaapektuhan yung daloy ng hangin sa katawan natin at paghinto ng puso," ayon kay Dra. Anne de Guzman, Pangasinan Health Officer.
--FRJ, GMA News