GUINAYANGAN, Quezon - Dalawang drug suspek ang naaresto ng mga operatiba ng Guinayangan, Quezon nitong Linggo ng umaga.
Sa bisa ng isang search warrant na inilabas ni Judge Manuel Salumbides ng RTC Calauag ay ikinasa ng Guinayangan Municipal Police Station ang raid sa bahay ng mga suspek.
Marami na raw kasi ang sumbong mula sa lugar na sangkot umano ang dalawang naaresto sa lantarang pagtutulak ng droga.
Pasado alas-kuwatro ng madaling araw nitong Linggo ay nagsagawa na ng briefing ang mga pulis. Sa pagputok ng liwanag ay doon na pinasok ang bahay ng dalawang target.
Kasama ang mga opisyal ng Barangay Aloneros, hinalughog ng mga pulis ang bahay ng mga suspek.
Nakuha mula sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu.
Itinanggi ng dalawa ang akusasyon na sila ay nagtutulak ng droga. Hindi naman nila itinanggi ang paggamit nito.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). —KG, GMA News