Isang binatilyo sa Cebu ang hindi na nakadalo sa pinapangarap niyang college graduation matapos siyang atakihin sa puso at mamatay isang araw bagong ang mismong graduation.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa "24 Oras" nitong Huwebes, inilarawan si Hemenz Luzada ng kaniyang dating kasintahan na si Vanesa Encila na pursigido, punong-puno ng buhay, at may pangarap na maiahon ang pamilya sa hirap.
Bilang working student, iginapang ni Hemenz ang kaniyang pag-aaral sa kursong Business Administration Major in Financial Management.
"Noong graduation ko noong 2019, nakita niya po ang picture ko. Tapos sabi niya gusto niya rin pong may picture rin kami together sa graduation niya kasi ako raw po ang nag-push sa kaniya na mag-aral,” ani Vanesa.
"Gusto niya rin po na may picture sila together ng familya niya. Sa magkakapatid kasi, siya ang first na maka-graduate,” dagdag pa ni Vanesa.
Ayon sa pamilya ni Hemenz, nitong June 26 ay tapos na dapat siya sa pag-aaral. Pero nitong June 25, isang araw bago ang graduation, sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi na siya nagising.
"Cardiac arrest po. Nakita na lamang siya noong umaga na patay na," ayon kay Evelyn, ina ni Hemenz.
"Wala siyang bisyo, hindi siya naninigarilyo. Sobrang sakit po [sa kalooban]."
Nitong Linggo ng madaling araw, dahil si Hemenz lang ang hindi nakadalo sa kanilang graduation, isang munting seremonya ang hinandog ng kaniyang pamilya at dating kasintahan. —Joselito Natividad/KBK, GMA News