Isang lalaki na sinasabing may mental disability ang namatay makaraan umanong pahirapan at saktan nang mahuli dahil sa bintang ng pagnanakaw. Ang mga suspek, isang sibilyan at isang barangay kagawad sa Coron, Palawan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Carlo Layaog, 23-anyos.
Dinakip umano si Layaog dahil sa pagnanakaw ng kable sa Barangay 3 sa Coron.
Sa video na inilabas ng pulisya, makikita si Layaog na nakaupo habang tinatanong ng mga suspek sa kasalanan umano nitong pagnakaw.
Tinakot pa ang biktima na puputulan ng kamay gamit ang lagare.
Sa isa pang video, makikita ang biktima na pinagsalita para magbigay ng mensahe sa iba pang magnanakaw.
"Sa mga kapwa ko magnanakaw, wag na kayo magnakaw, kung gusto niyo magnakaw magsitago-tago na kayo," ayon kay Layaog.
Ayon kay Police Captain Ervin Plando, hepe ng Coron police station, napansin nila na nanghihina si Layaog nang dalhin sa kanila ng mga nakahuli sa kaniya.
Kaya naman ipinadala niya sa ospital si Layaog para masuri. Pero namatay kinalaunan ang biktima dahil umano traumatic brain injuries.
Hinanakit ng mga kaanak ni Layaog, bakit kinailangan pang saktan ang biktima at hindi na lang dinala sa pulisya kung nakagawa man ito ng kasalanan.
Sinabi ni Plando na sinampahan nila ng reklamong anti-torture si barangay kagawad Paul John Abe at isa pang sibilyan.
Ang reklamo ay base umano sa resulta ng medico-legal report at death certificate, ng biktima. Tugma rin umano ito sa salaysay ng saksi tungkol sa sinapit ni Layaog.
Tumanggi naman si Abe na magbigay ng pahayag at ang abogado lang umano ang bahalang sumagot para sa kaniya.
Samantalang wala pang inilalabas na pahayag ang kaniyang kasama.
Ang abogado ng biktima na si Attorney Lourdes Benipayo, sinabing kasong murder ang nais na isampa ng pamilya ni Layaog laban sa mga suspek.
"They did not see him take the cables. 'Yang victim known around the area as somebody na may kapansanan sa mind, so he's a little slow," paliwanag ni Benipayo.
"Sa dinadami nila, pinagtulungan nila isang helpless na tao," dagdag niya.—FRJ, GMA News