Nasawi ang dalawang lalaki matapos silang matabunan ng buhangin habang naghuhukay ng balon sa gitna ng masamang panahon sa San Juan, La Union.
Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV Balitang Amianan sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Ili Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Henry Benavides, 29-anyos, at Elvis Lorenzo, 30-anyos, na parehong taga-Bauang, La Union.
"During that time, malakas po ang ulan. Sabi ng mga kasama, nu'ng umulan, ini-stop nila ang kanilang paghuhukay, tinapos na ang trabaho. Ngunit itong dalawa na nagtuloy sa pagbaba at paghukay, sila po 'yung natabunan," sabi ni Gino Mabalot, San Juan DRRM Officer.
Inabot ng siyam na oras ang retrieval operation pero natagpuang silang wala nang buhay nang makuha ang kanilang mga katawan mula sa hinuhukay na balon.
Ang paghuhukay ng balon ang hanapbuhay umano ng mga biktima kaya sanay na sila sa naturang gawain.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.--Jamil Santos/FRJ, GMA News