Isang barangay kagawad sa San Jose Del Monte, Bulacan, ang inirereklamo na nambugbog umano ng ilang kabataang nahuling lumabag sa curfew, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Lunes.
Itinanggi naman ng kagawad na si Michael Sio ang paratang. Aniya, tinatakot at inaambahan lang niya ang binatilyong nasa isang cellphone video na binugbog daw niya.
Sa kuha ng nasabing video, makikita ang isang 15-anyos na binatilyo na takot na takot habang pinapagalitan at inaambahan ng suntok sa loob ng barangay hall.
Dinig din sa video na ilang ulit minura ng kagawad ang binatilyo, hanggang sa dumating ang puntong napaiyak na ito.
Sa kuha naman ng CCTV, makikitang ipinasok sa isang kuwarto ang binatilyo. Matapos ang ilang minuto ay lumabas sila habang hawak sa buhok ng kagawad ang binatilyo. Isang lalaki ang nakitang sumuntok sa tagiliran ng biktima.
Isang kabarkada ng biktima ang nagsabing pati siya ay binugbog ng kagawad na aniya ay amoy alak.
Pero ayon kay Sio, hindi totoong binugbog niya ang binatilyo. Aniya, paulit-ulit na lumalabag sa curfew ang binatilyong nasa video at mga kasamahan nito. Minsan pa raw silang hinarangan ng upuang kahoy ng mga ito.
Itinanggi naman ng ina ng binatilyo na hinarangan ng silya ang mga taga-barangay. Desidido siyang magsampa ng kaso laban sa barangay kagawad. —KBK, GMA News