Nagmistulang "fortified with shabu" ang mga cup noodles at ensaymada na ibibigay sana ng isang dalaw sa isang bilanggo sa Zambales Provincial Jail.
Pero hindi nagtagumpay ang balak matapos mabisto ng mga guwardiya ang shabu na nakalagay sa siyam na pakete na isinilid sa apat na cup noodles at ipinalaman sa apat na ensaymada.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing agad na tumakas ang may dala ng pagkain nang makita niyang mabibisto na ang mga nakapalaman na droga sa mga pagkain.
Pero nahuli rin kinalaunan ang naturang may dala ng pagkain na kinilalang si Josef Candejon.
"Napag-alaman pala na yung bibisita sa isang inmate doon ay dati rin palang nakakulong, nakalaya na rin na may kaso din na ganun, illegal drugs," ayon kay Police Major Bryan Christopher Baybayan, hepe ng Iba Police Station.
Sinampahan ng kaso si Candejon at sinusubukan pang makuhanan ng pahayag.--FRJ, GMA News