Isang balyena ang pinagsikapan ng mga residente na sagipin matapos mapadpad at ma-stranded sa baybayin sa Pandan, Antique.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing hindi pa tukoy ang uri ng balyena na may habang 15 talampakan.
Nagtulong-tulong naman ang mga residente ng Barangay Baybay at mga opisyal ng LGU para maibalik sa malalim na bahagi ng dagat ang naturang hayop.
Sinabi ng ilang eksperto na mahalaga ang mga balyena sa balanse ng food chain system sa karagatan.
Naglalabas ng carbon ang mga dumi ng balyena na nakatutulong sa paglago ng phytoplanktons na nagsisilbing pagkain ng ilang isda.--Jamil Santos/FRJ, GMA News