Patay ang rider at kaniyang angkas nang sumemplang ang kanilang motorsiklo at pumailalim sa isang van sa Burgos, Ilocos Sur. Ang rider, nasunog pa nang magliyab ang dalawang sasakyan.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing hindi na naialis sa ilalim ng van ang 20-anyos na rider na nasawi.

Ayon sa mga awtoridad, nahatak naman ng ibang rider ang kaniyang angkas mula sa nagliliyab na mga sasakyan pero pumanaw din ito.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na umagaw ng linya ang motorsiklo habang nasa palikong bahagi ng national highway sa Barangay Bayog, at nawalan ng kontrol ang rider.

Sumemplang ang motorsiklo at pumailalim sa van at nagkaroon na ng pagliyab.

Nakaligtas naman ang mga sakay ng van.

Wala pang pahayag ang pamilya ng mga biktima, at hindi pa umano nagkakausap ang magkabilang panig, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News