Nahuli sa follow-up operation sa Quezon City ang isang lalaki na kasabwat umano ng isang wanted na tulak ng ilegal na droga sa Infanta, Quezon, na naunang naaresto ng mga awtoridad.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Arven Canon, alyas "Arvel," na kasabwat ng wanted na si Mark Gil Amparo.

Nagpanggap ang mga tauhan ng Manila Police District Station 4, bilang si Amparo para makipagkita sa kanilang target sa Del Monte sa Quezon City, kung saan nasakote nila si Canon.

"Kinuha natin 'yung contact at nagpositibo nga, lumutang siya roon sa area at walang sinayang na pagkakataon ang ating mga alagad ng batas, hinuli siya sa lugar na 'yon," sabi ni Police Captain Philipp Ines, spokesperson ng MPD Station 4.

Itinanggi naman ni Canon na nagtatago siya.

"Nawalan po ako ng trabaho dito tapos 'yung tinutuluyan ko po diyan, lumipat po ng bahay kaya 'yung subpoena hindi ko na natatanggap, tapos umuwi na po ako ng Quezon, inabot na po ako ng lockdown doon," sabi ni Canon.

Naghihintay pa ng commitment order mula sa korte ng MPD bago dalhin ang dalawang suspek sa Bilibid habang dinidinig ang kanilang kaso.--Jamil Santos/FRJ, GMA News