Patay ang dalawang magsasaka nang tamaan sila ng kidlat habang nag-aayos ng patubig sa gitna ng bukid sa San Fabian, Pangasinan. Ang isang biktima, nakapag-video pa ilang oras bago maganap ang trahediya.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawi na sina sina Fernando Guntang, 20-anyos at Jeric Soriano, 25-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtungo sa bukid ang mga biktima kasama ang dalawang iba pa para ayusin ang patubig sa Barangay Angio.
Nagtayo sila ng masisilungan sa gitna ng bukid na yero ang bubungan, at tanging ito lang ang mataas na bagay sa lugar dahil wala nang ibang puno.
Bago ang pagtama ng kidlat, nakuhanan pa ng video si Guntang sa lugar.
Pero si Soriano ang sinasabing may hawak ng cellphone nang tumama ang kidlat at pinaka-napuruhan.
"Accordingly, yung may cellphone na ito, hawak-hawak niya yung cellphone. Then nung ibinulsa, biglang kumidlat at siya yung talagang napuruhan," ayon kay Police Major Ramil Mendioro, hepe ng San Fabian Police.
Sabi naman ni Ronnie Guntang na ama ni Fernando, nagkaroon ng tama ng kidlat sa hita si Soriano.
"Nawasak yung short niya pati damit niya. Pagkatapos parang naguhitan na ganiyang yung sa katawan," kuwento nito.
Payo ng mga awtoridad, ibayong pag-iingat at iwasang lumabas kapag may mga pagkulog at pagkidlat.--FRJ, GMA News