Dalawang malaking kahon na iniwan sa gilid ng kalsada na mapagkakamalang basura ang nabisto sa tulong ng asong-gala na may laman na mga bloke-blokeng marijuana na nagkakahalaga ng P2 milyon sa Tinglayan, Kalinga.
Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng pulisya na 19 na bloke ng marijuana ang nakita sa dalawang kahon.
Nakita raw ng isang construction worker ang mga kahon na natatakpan ng plywood at kinakalkal ng aso.
“Habang nag lalakad sa daan ay may nakita siyang dalawang brown box na napatungan nung ginagamit nila sa construction plywood at ito ay kinakalkal ng aso,” ayon kay Kalinga Provincial Police director Police Colonel Davy Vicente Limmong.
Pinaalis ng lalaki ang aso at inireport niya sa pulisya ang insidente.
Wala naman daw napansin ang construction worker na ibang tao sa lugar.
Hinala ng mga awtoridad, bahagi ng modus ang ginawang pag-iwan sa mga kahon dahil tinakpan din ito ng pinatuyong isda.
“Pwede ring binaba ito na parang allegedly nagtitinda or kwan ‘yung nag-deliver nito. So parang hindi halata. So ‘yun ‘yung siguro isang cover nila. So ang ginagawa is 'pag kinontak sila, kinakausap, identify the place to be picked up,” anang opisyal.
Inaalam na ngayon kung sino ang nag-iwan ng mga kahon, habang dinala sa crime laboratory ng PNP ang marijuana.--FRJ, GMA News