Posibleng maharap sa reklamo ang isang kapitan at isang kagawad matapos mahuli-cam ang ginawa nilang pambabatok at pagtuhod sa tiyan sa isang 14-anyos na binatilyo sa Balaoan, La Union.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video na pinagsasabihan muna ng kapitan at ng kagawad ang dalawang kabataan at isang nanay noong Sabado sa Barangay Butubut.
Pero ilang saglit ang lumipas, bigla nang nanghampas ang kapitan, pero nakailag at nakatakbo ang binatilyo.
Pero ipinatawag muli ng kapitan ang menor de edad at dito na niya ito hinawakan sa braso saka binatukan.
Sumunod namang ang kagawad sa pagbatok sa biktima.
Sa isa pang kuha, maririnig ang pag-inda ng binatilyo sa sakit nang tuhurin siya sa sikmura ng barangay official.
"Masakit. Kahit sinong magulang na nakapanood ng video talagang masakit. Hindi ko palalagpasin talaga ang ginawa nila," saad ng ina ng binatilyo.
Bago nito, nagkaroon daw ng gulo ang mga kabataan sa isang lamay sa kanilang barangay kung saan nagulpi ang isang anak-anakan ng kagawad.
"Itong anak ko, nag-awat lang siya sa mga barkada niya na itigil 'yung gulo," depensa ng ina ng binatilyo.
Ito raw ang dahilan kaya hinanap ng kapitan at kagawad ang mga sangkot sa gulo na humantong sa pananakit sa binatilyo.
Bago ang pananakit sa binatilyo, may sinaktan na rin daw ang dalawang barangay official ng dalawang kabarkada ng biktima na 16-anyos.
Nakausap ng GMA News ang binatilyo sa pahintulot ng magulang.
Ayon sa binatilyo, bukod sa pananakit, pinagbantaan din daw sila kagawad na papatayin ang isang kasamahan nila.
Kinilala ng pulisya ang dalawang opisyal ng barangay na sina Kapitan Jaime Ordinario, 64 anyos, at Kagawad Pablo Bayota, 57 anyos.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ni Kagawad Bayota. Tumanggi namang magbigay ng pahayag si kapitan Ordinario nang makausap sa telepono ng GMA News.
Nauna nang nagpaliwanag ang kapitan sa pulisya ng Balaoan.
"Naging arogante raw kasi 'yung [binatilyo] nu'ng inawat nila, pinagsabihan nila," sabi ni Police Major Rogelio Miedes, hepe ng Balaoan Police.
Nagreklamo na sa pulisya ang tatlong menor de edad na sinaktan umano ng dalawang opisyal.
Posibleng maharap ang mga opisyal sa reklamong physical abuse in relation to child abuse.--Jamil Santos/FRJ, GMA News