Nagsalita ang Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Sta. Maria, Bulacan tungkol sa isang buntis na napaanak sa labas ng kanilang pagamutan, at nilinaw na wala silang tinanggihang pasyente dahil wala itong maipakitang swab test results.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing ang nangyari umano sa buntis ay isinalaysay ng kaniyang live-in partner, na iniulat sa programa noong Biyernes.
"Natingnan agad siyang naka-duty na OB-GYN at nakitang nagsisimula pa lamang ang labor. Nag-request ang doctor ng RT-PCR, Antigen Test at Chest X-Ray na gagawin sa ating pagamutan," saad ng pahayag ng ospital sa Balitanghali report ni Mariz Umali nitong Martes.
Dagdag ng ospital, papunta na si Emmalyn Magallanes sa laboratoryo nang nakaranas siya ng "Precipitate Labor" o sobrang mabilis na pagbuka ng cervix "kaya sa may Employees' Entrance sa loob ng hospital compound siya nahiga at dito naglabas ng bata bandang 10:20 a.m."
Agad namang naiulat sa ibang staff ang insidente kaya naibalik si Magallanes sa OB department at doon siya binigyan ng lahat ng karampatang atensyong medikal.
"Kaya po laking gulat namin nang mag-issue silang mag-partner ng statement... na taliwas sa nangyari at malayo sa isinalaysay ng pasyente sa video at sa hand written statement niya," anang ospital.
"Naglabas ng post sa Facebook ang kapitbahay diumano ng pasyente na lubhang mali at nakakasama sa pangalan ng ating pagamutan," saad ng Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital.
Hinimok ng ospital si Magallanes at ang live-in partner nito na iwasto ang umano'y maling pananaw sa naturang insidente.
Ayon sa live-in partner ni Magallanes, ayaw silang tanggapin ng ospital dahil wala silang maipakitang swab test result.
Hindi rin daw pumayag ang ospital na isunod na lang ang swab test at hayaan munang makapanganak ang ginang dahil nagla-labor na ito.--Jamil Santos/FRJ, GMA News