BORACAY Island, Malay, Aklan - Pitong turista galing sa National Capital Region Plus bubble ang inaresto ng Boracay Police matapos madiskubre na peke ang gamit nitong RT-PCR tests.
Ayon kay Malay chief of police Lieutenant Colonel Don Dicksie De Dios, nakumpirma ng provincial validation team na peke ang ipinirisinta nitong mga dokumento.
Dahil dito, kaagad na sinundo ng mga awtoridad ang mga turista sa kanilang hotel at dinala sila sa isang quarantine facility sa bayan ng Kalibo.
Isinailalim na sa swab test ang mga turista at hinihintay na lamang lumabas ang mga resulta nito.
Inihahanda na sa ngayon ng Malay Police ang kasong isasampa laban sa mga turista.
Mahigit 700 na turista galing sa NCR Plus (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal) ang dumating sa Boracay nitong Sabado.
Pinahintulutan na ng gobyerno ang leisurely travel ng mga residente ng NCR Plus, kahit ano pa ang edad nila, sa mga lugar na nasa general community quarantine at modified general community quarantine mula Hunyo 1 hanggang 15.
Dapat lang na mag-negatibo sa COVID-19 tests ang mga maglalakbay at susunod sa mga alituntunin ng mga lokal na pamahalaan.
Kailangan din na point-to-point lang ang pabibiyahe. —KG, GMA News