Laking gulat ng isang lalaki na bibili sana ng isdang vorado sa isang palengke sa Puerto Princesa, Palawan nang makita niya na bukod sa ilang piraso ng pusit ay may laman na basura ang tiyan nito.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang ini-upload ni Mary Vanessa Guzman-Tan, na larawan ng isda na bibilhin sana ng kaniyang ama na mayroon candy wrappers, bottle caps, at plastic spoon.
"Pati nga raw 'yong nagtitinda nagulat din na may ganoong laman ang tiyan ng isda. Ang nangyari, hindi na po siya bumili at tsaka nagulat po siya at medyo nabahala kasi first time niya nakakita," ayon kay Tan.
Sinabi naman ng ilang nagtitinda ng isda na nagiging karaniwan na sa kanila na may makitang plastik sa tiyan ng mga nahuhuling isda.
"Madalas po 'yan. Paisa-isa 'yong plastik na nakikita ko. Madalas po 'yong straw, balat ng candy at tsitsirya," saad ni Romula Tupas.
Ayon sa Palawan Provincial Environment and Natural Resources Office, posibleng hindi galing sa kanilang lalawigan ang basura.
"'Yang mga basura kung saan-saan nanggagaling 'yan. Siyempre, 'pag hahangin, baka naman nanggaling din sa ibang lugar," ani Eriberto SaƱos ng Palawan-PENRO.
Para naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang naturang insidente ay paalala sa publiko na itapon nang tama ang mga basura.
Dapat din umanong gumawa ng komprehensibong ecological solid waste program ang mga lokal na opisyal. --FRJ, GMA News