Nasagip ang tatlong tao, kasama ang kanilang kalabaw, na natangay ng rumaragasang baha sa Kabacan River sa President Roxas, Cotabato dulot ng masamang panahon ng bagyong Crising na nanalasa sa Mindanao.
Iniulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes na inabutan ng rumaragasang tubig sa ilog ang tatlong tao at ang kanilang kalabaw na noo'y tumatawid at matangay ng agos.
Nailigtas sila nang magtulong-tulong ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ilang mga residente sa pag-rescue sa kanila.
Ligtas na nadala sa pampang ang tatlo at ang kanilang kalabaw.
Samantala, binaha naman ang isang evacuation center sa South Upi, Maguindanao.
Ayon sa ulat, inabot ng baha ang mga tent ng mga bakwit. Umapaw din ang kalapit na ilog kaya nalubog sa tubig-baha ang kanilang mga tanim na gulay.
Halos kalahating taon na umano ng mga bakwit sa evacuation center matapos magsilikas nang sumiklab ang gulo sa isang barangay doon. —LBG, GMA News