Humingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ama ng babaeng pinatay at posibleng ginahasa sa Bulacan para mabigyan ng hustiya ang kaniyang anak. Ang 11-anyos na biktima, pangarap umanong maging flight stewardess.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing patay na at walang saplot nang matagpuan nitong Miyerkules si Jenny De Vera, sa masukal na bahagi ng Barangay Graceville, San Jose del Monte (SJDM) City.
Hindi kalayuan sa bangkay ni De Vera, nakita rin ang bangkay ng kaniyang kaibigang lalaki na si Lou Anderson Icalla, 8-anyos.
Kapwa sila may sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Ayon sa mga kaanak ng mga biktima, naglalaro lang ang dalawa noong Martes pero hindi na sila nakauwi kinakabihan.
"Sana mahuli na yung gumawa sa kaniya niya," umiiyak na pahayag ni Maricon, ina ni Jenny.
"Sumuko ka na. Hindi ka na naawa sa anak ko," hinagpis niya.
Pang-apat sa limang magkakapatid si Jenny at pangarap daw nitong maging flight stewardess.
Ang ama ni Jenny na si Endrigel, nanawagan kay Pangulong Duterte na tulungan silang makamit ang hustisya sa sinapit ng anak.
"Kay Pangulong Duterte, sana pansinin mo itong kaso ng anak ko. Kung sakaling mahuli ang kailangan na ano sa kaniya ay bitay," panawagan ng ama.
"Kung puwede ba mga tatlong beses bibitayin," dagdag pa ni Endrigel na nagsabing walang kapatawaran ang ginawa sa kaniyang anak.
Ang kapatid naman ni Icalia, mami-miss daw ang pagiging masayahin at malambing nito.
"Mapang-asar 'yon minsan pero sobrang lambing din," saad ni Lou Danica.
Ayon sa pulisya, isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng dalawang bata para makakalap ng ebidensiya at malaman kung kompirmadong ginahasa si Jenny.
Sinabi rin ni Police Major Julis Alvarado, hepe ng SJDM police, na posibleng higit sa isa ang gumawa ng krimen.
"Dalawang suspek so far ang ating PUI (persons under investigation). So hoping na makakuha pa tayo ng magandang ebidensiya against dito sa mga suspek," anang opisyal.--FRJ, GMA News