Sugatan ang siyam na katao nang salpukin ng isang dump truck ang pila ng mga kukuha ng ayuda sa tapat ng city hall ng San Jose del Monte, Bulacan matapos atakihin sa puso ang driver nitong Martes.
Sa ulat ni Allan Gatus sa Super Radyo DZBB, dalawa sa limang isinugod sa ospital ay kritikal ang kondisyon.
Sa impormasyon ng Public Order and Safety Office (POSO), kinilala ang mga biktima na sina Rolito Navarro, Mario dela Rosa, Analyn Tomooc, Mary Rose Espacio at Cecilia de Ramo.
Habang ang apat na nagtamo ng gasgas ay hindi na nagpasugod sa ospital.
FLASH REPORT: Ilang indibidwal na naghihintay sa San Jose del Monte City Hall, inararo ng dump truck na pagmamay-ari ng lungsod. | via @allangatus pic.twitter.com/hJuSmYGkqN
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 11, 2021
Base sa impormasyon ng San Jose del Monte Police Station, nangyari ang insidente bandang 7:40 ng umaga habang pumipila ang mga biktima para matanggap ang kanilang ayuda.
Kinilala ang driver na si Herminio Verona, na inatake umano sa puso habang minamaneho ang dump truck na pag-aari ng city hall.
Sinabi ng mga tauhan ng POSO na wala nang pulso ang driver nang kanila itong tignan. Isinugod din sa ospital ang driver pero idineklara itong dead on arrival.
Sinabi naman ni San Jose del Monte Police chief Police Major Julius Alvaro na mayroong sakit sa puso ang driver.—Jamil Santos/AOL, GMA News