Inalis ang isang pari sa kaniyang puwesto sa Pampanga dahil sa pakikipagrelasyon umano sa isang babaeng may-asawa, ayon sa Archdiocese ng San Fernando.

Sa isang pahayag, sinabi ni Archbishop Florentino Lavarias ng San Fernando, na gumawa na ng hakbang ang Office of the Roman Catholic Archbishop of San Fernando (RCASF) para makipag-ugnayan sa naapektuhang pamilya.

"In the meantime, given the sensitive nature of the matter, and as a preliminary move, the Archdiocese has resolved to remove the priest from his parish assignment," saad ni Lavarias.

Ayon sa ulat ng CBCP News, lumabas ang isang viral video nitong linggo na mapapanood ang isang galit na galit na lalaki habang nakikipagtalo sa isang pari na "nakiapid" umano sa kaniyang asawa.

 

READ: The official statement of Archbishop Florentino Lavarias on a recent involvement of a priest in the...

Posted by The Roman Catholic Archdiocese of San Fernando on Thursday, May 6, 2021

 

Nangako si Lavarias na iimbestigahan ang sensitibong pangyayari matapos matanggap ang pormal na reklamo mula sa apektadong pamilya.

"The RCASF reserves the right to take appropriate actions as a more thorough investigation progresses, after the receipt of a formal complaint from the concerned party," ayon sa pahayag.

Hiniling din ng Archdiocese sa publiko na igalang ang katahimikan ng mga partidong sangkot sa kontrobersiya "as they seek to deal with this sensitive and complex issue with divine guidance and in the most Christian way possible."

Hinikayat niya rin ang publiko na tugunan ang insidente na may "introspective concern and earnest prayers." --FRJ, GMA News