Libo-libong pisong halaga ng mga bulaklak ang ibinenta na lang matapos maudlot ang isang kasalan sa Tarlac nang magpositibo sa COVID-19 ang kaanak ng isa sa mga ikakasal.
Sa ulat ni King Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabi ng event stylist na si Cherry Jane Gacutan, na aabot sa P30,000 ang halaga ng mga bulaklak na gagamitin sana sa kasal sa Tarlac City.
Nakahanda na raw mag-setup sa kasal nang malaman nilang hindi na ito matutuloy dahil nagpositibo sa COVID-19 ang kaanak ng isa sa mga ikakasal.
Pero sa halip na pabayaran sa ikakasal ang mga bulaklak, naunawaan daw ni Gacutan ang sitwasyon kaya naibinenta na lang niya ang mga bulaklak sa ibang event stylist.
Hindi naman daw ito ang unang pagkakataon na may kasal na bigla na lang hindi matutuloy dahil sa COVID-19.
Ang event organizer na si Rhyne Mendoza, sinabing apektado rin ng ipinatutupad na quarantine restrictions ang kanilang industriya.
Gayunman, sinabi niya na kailangan pa rin nilang sumunod sa mga health protocols para na rin sa kaligtasan ng lahat.--FRJ, GMA News