Isang tindera ng empanada na magpapa-load lang sana ng cellphone sa tindahan ang nasawi matapos pagbabarilin sa Cabugao, Ilocos Sur. Ang suspek, lumitaw na bayaw ng biktima.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jovita Baclig, 47-anyos ng Barangay Pug-os.
Naaresto naman ang suspek na si Emilio Baclig, na nabanggit umano ni Jovita ang pangalan bilang salarin bago malagutan ng hininga.
Bukod dito, nakita rin umano ng isang anak ni Jovita si Emilio.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na patungo sa isang tindahan si Jovita kasama ang isang anak, na malapit lang sa kanilang bahay para magpa-load sa cellphone.
Pero habang naglalakad, sumulpot ang salarin at pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng anim na tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Isinugod pa sa ospital si Jovita pero namatay din.
Ligtas at hindi naman nasaktan ang kaniyang anak.
Bukod sa nakita raw ng anak ni Jovita si Emilio, mai-record din ng isa pang anak ng biktima ang pag-uusap nila ng kaniyang ina. At bago ito malagutan ng hininga, nabanggit nito ang pangalan ng kaniyang bayaw bilang salarin.
Pero itinanggi naman ni Emilio ang paratang.
Isasailalim siya sa paraffin test para alamin kung nagpaputok siya ng baril.
Lumilitaw din sa imbestigasyon ng awtoridad na may matagal nang alitan ang biktima at ang suspek.
Ayon sa pulisya, pinaghihinalaan ng suspek na ang biktima na nagsusuplong sa ilegal na gawain ng mga ito.
Napag-alaman na nakakulong ang isang kapatid ni Emilio dahil sa kaso ng ilegal na droga.--FRJ, GMA News