Binaril at napatay ng isang punong barangay sa Santa, Ilocos Sur ang hepe ng mga tanod na ayaw umanong paawat sa gulo at tinangka pa raw na saksakin ang kapitan.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Elson Bayya, 52-anyos ng Barangay Dammay.
Nasa kostudiya naman ng pulisya ang suspek na punong barangay na si Mariano Umipig Jr.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na lasing umano si Bayya at nakaaway nito ang sariling bayaw na nakainom din.
Rumesponde raw ang dalawang kagawad ng barangay para payapain si Bayya pero hindi raw ito nagpaawat kaya tinawag na ang kanilang punong barangay na si Umipig.
Ayon sa pulisya, sinabi ni Umipig na habang umaawat siya ay tinangka raw siyang saksakin ni Bayya kaya kinuha niya ang baril sa bag at pinaputukan ang biktima.
Nagtamo ng mga tama ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan si Bayya at hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Hindi naman nakuha ang baril na ginamit ni Umipig na pinaniniwalaang 9mm batay sa mga basyo ng bala na nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa pulisya, iginiit ni Umipig na ipinagtanggol lang niya ang sarili kaya napatay si Bayya.
Pero hindi naniniwala ang asawa ni Bayya na self-defense ang ginawa ni Umipig dahil sa dami ng tinamong tama ng bala ng biktima.
Desidido ang biyuda na sampahan ng kaso ang punong barangay.--FRJ, GMA News